Nais ipabatid sa atin ng kwento na matulad tayo sa butil ng
kape. Madalas nating napapakinggan ang kasabihang "Kapag may tiyaga, may
nilaga". Makakamit lamang ng tao ang bunga ng magandang buhay kung siya ay
masipag, may dedikasyon at disiplina tulad nang ipinamalas ng butil ng kape sa
kwento. Sa paghahanap at pagkakamit ng tagumpay, palagi nitong kalakip ang tiyaga,
kasipagan at disiplina. Pinatutunayan lamang ng mga nagtatagumpay pati na rin
yaong mga nakalulutas sa hinaharap na suliranin na hindi madali at mabilis ang
pag-akyat sa tagumpay. Sila ay nagsimula sa ibaba, nagtiyaga, at nagsipag
hanggang makamit ang inaasam na magandang buhay. Hahayaan ba nating matulad
tayo sa nangyari sa carrot na sa umpisa ay kakikitaan ng katatagan subalit sa
pagdating ng unos sa ating buhay ay naging mahina tayo? Hahayaan din ba nating
matulad sa itlog na nagpakita ng kabutihan sa umpisa subalit nang kumatok ang suliranin
sa kanyang pinto ay naging matigas ang kalooban? Iwasan nating maging ningas-kugon
na sa umpisa lamang magaling subalit sa pagtagal ng panahon ay naging
iresponsable na. Huwag nating palampasin ang pagkakataong makagawa ng kabutihan
para sa mga nangangailangang kapwa sa ating paligid. Biniyayaan tayo ng
maraming talino, kakayahan at talento sa paggawa ng mga gawaing makapagpapabuti
sa ating kapwa. Hayaan nating tayo ay maging butil ng kape na kapag inilagay sa
kumukulong tubig ay natutunaw na nagiging sanhi ng pagbabago sa kanyag paligid.
Palagi nating ikintal sa ating isipan na sa ating mga kamay nakasalalay ang
mangyayari sa ating hinaharap. Tayo ang gagawa ng pagbabago. Tayo mismo ang
solusyon sa ating mga suliranin. Lakipan lamang natin ito ng determinasyon,
kasipagan at tiyaga siguradong maaabot natin ang tagumpay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento